Saturday, October 22, 2011

Sino ba ako?

Ano ang pangalan mo? Ilang taon ka na? Kailan ka ipinanganak? Saan ka nakatira? Sino ang mga magulang mo? Ano ang kanilang trabaho? Ilan kayong magkakapatid? Ano ang pangarap mo? Ano ang tinapos mo? Ang mga katanungang ito ay napakadaling sagutin subalit, talaga nga bang kilala na natin ang ating sarili? O baka naman may mga katangian at kapintasan pa tayo na hindi pa rin natin natutuklasan sa ating mga sarili kaya kung minsan ay hindi natin napipigilang itanong sa ating mga sarili kung ‘Sino ba ako?’
Sabi ng marami, ako raw ay mabait. Gusto kong maniwala sa kanilang mga sinasabi subalit may pagkakataon na pakiramdam ko’y napakasalbahe ko ring tao. Kapag kasi nagalit ako ay nakagagawa ako ng kasamaan sa aking kapwa. Kung minsan ay nakapagbibitaw ako ng masasamang salita na pinagsisisihan ko rin pagkaraan. Bagamat alam kong mali ang aking nagawa, hindi ko naman magawang lumapit sa taong aking nasaktan upang manghingi ng tawad. Pakiramdam ko kasi’y mababawasan ang aking pagkatao kapag nagsabi ako sa kanya ng ‘sorry’. Kaya naman sa halip na magsabi ako sa kanya ng ‘patawad’, lumalapit na lang ako sa kanya upang purihin siya o batiin. Sana nga lang ay napagtatanto niya kung ano ang mensaheng nais kong iparating. Hindi ko nga lang mapigilan ang mapabuntunghininga nang napakalalim kapag nakaaaninag ako ng kalamigan sa kanyang pananalita at pagkilos.
Kaya naman kung sasagutin ko ang tanong na Sino ba ako? Magagawa kong sabihin na ako ang tipo ng tao na nakakaramdam din ng karuwagan. Napakahirap naman kasing magsabi ng ‘sorry’ kung alam mong labis kang nakasakit ng damdamin ng iba. Ngunit, alam kong kailangan kong maging matapang sa pagharap sa mga kamaliang aking nagawa. Kaya sa lahat ng mga nasaktan ko, patawad. Hindi ko man masabi sa inyo ang mga katagang ito ng harapan, nagsisisi ako dahil nagawa kitang saktan.